DAGUPAN CITY- Dehado ngayon ang mga onion growers sa Nueva Ecija na makabawi sa kanilang gastos sa pagtatanim ngayong bumaba ang presyo ng sibuyas habang tumataas naman ang produkto ng petrolyo sa bansa.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Mark Paul Rubio, onion grower sa Nueva Ecija, umaabot lamang sa P32-P35 kada kilo ang presyo ng pulang sibuyas habang ang puting sibuyas naman ay naglalaro sa P23 kada kilo.
Aniya, noong hindi pa tumataas ang presyo ng langis ay umaabot ang presyo ng sibuyas sa P43 kada kilo.
Habang sa unang pag-ani noong buwan ng Enero ay umaabot naman sa P88 kada kilo ang pulang sibuyas at P30 kada kilo sa puting sibuyas.
Bagaman sumabay ang mababang presyo sa tumataas na presyo ng produktong petrolyo, labis na naaapektuhan ang kita ng mga magsasaka.
Kaniya-kaniyang diskarte na lamang sila at katulad ni Rubio, nakikipagnegosasyon na lamang siya sa kaniyang buyer.
Saad pa niya, lalo pang ikinalulugi ng lokal na magsasaka ang pambabarat sa kanilang produkto dulot ng importasyon.
Samantala, wala pa umanong natatanggap na fuel subsidy ang mga magsasaka sa bayan ng Bongabon.
Gayunpaman, ang P5,000 sabsidiya ay kukulangin para sa mga sakahan na hindi inaabot ng irigasyon.










