Dagupan City – Magkakaroon ng pagkakataon ang mga firearm owners at aplikante na makapagproseso ng kanilang mga dokumento sa mas mabilis at mas maginhawang paraan sa pamamagitan ng Modified One-Stop Shop para sa License to Own and Possess Firearms (LTOPF) at Firearms Registration (FR) na isasagawa sa Agosto 12 hanggang 13, 2026 sa Dela Cruz Auditorium.
Bukas ang programa para sa mga nais kumuha ng bagong lisensya, mag-renew ng License to Own and Possess Firearms, magparehistro ng baril, at magproseso ng paglilipat ng pagmamay-ari ng firearms.
Bahagi rin ng caravan ang iba pang kinakailangang serbisyo tulad ng Neuro-Psychiatric Test, Drug Test, at Gun Safety Seminar upang mas mapadali ang pagkuha ng mga kaukulang dokumento sa iisang lugar.
Pinapayuhan ang mga interesadong aplikante na magsagawa ng maagang pre-registration sa Lingayen Police Station o makipag-ugnayan sa kanilang hotline upang matiyak ang maayos na pagproseso ng kanilang aplikasyon.
Hinihikayat din ang publiko na ihanda ang lahat ng kinakailangang dokumento batay sa uri ng kanilang transaksyon.
Para naman sa mga kukuha ng Neuro-Psychiatric Examination, kinakailangang magdala ng ballpen at dalawang pirasong 2×2 ID picture na may puting background at nametag.
Layunin ng programa na mailapit sa publiko ang mga serbisyo kaugnay ng legal na pagmamay-ari at pagpaparehistro ng baril habang isinusulong ang responsableng pagmamay-ari ng firearms.







