Dagupan City – Pinaghahanda ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mga barangay sa Lingayen sa pagrerebisa ng kanilang mga plano at programa kaugnay ng inaasahang pagpapalawig ng termino ng mga barangay officials.

Ayon kay Gabriel Cornel, DILG Municipal Head ng Lingayen, wala naman sa kasalukuyan ang malaking isyu pagdating sa performance ng mga opisyal ng barangay, subalit nais nilang matiyak na mananatiling angkop at napapanahon ang kanilang mga plano.

Target ng DILG na makipagpulong sa mga barangay secretary sa unang linggo ng Disyembre upang talakayin ang pagrerebisa ng mga plano, partikular na ang Barangay Peace and Order at Gender and Development (GAD).

--Ads--

Paliwanag ni Cornel, hanggang taong 2026 lamang ang saklaw ng kasalukuyang mga plano kaya kinakailangan itong i-update at palawigin gayong extended ang termino ng mga barangay officials.

Kasabay nito, ipakikilala rin ng DILG ang Barangay Information Management System, isang programa na naglalayong gawing digital ang mga rekord at dokumento ng bawat barangay upang mas mapadali ang kanilang pamamahala ng impormasyon.

Tinalakay rin ni Cornel na Barangay ang makikinabang sa programa ng Liga ng mga Barangay at Office of the President, kung saan nagsisilbing gabay ang DILG sa mga barangay sa wastong pamamahala at pagpapatupad ng proyekto.

Binigyang-diin niya na walang pagbabago sa mga patakaran sa paggamit ng pondo ng bawat barangay, kaya kinakailangan pa ring sumunod sa mga alituntunin ng Commission on Audit (COA), kabilang ang tamang accounting at auditing procedures.

Sa ngayon, wala pa naman aniya siyang natatanggap na ulat ng paglabag sa pagpapatupad ng programa, at may mga barangay na rin siyang nakumpirmang sumusunod sa mga itinakdang proseso at protocol.

Nagpasalamat din si Cornel sa pagkakataong maiparating sa mga opisyal ng barangay ang mga nararapat na proseso at mga programa ng DILG upang matiyak ang maayos at wastong pamamahala sa antas ng barangay.