Inilunsad ng JCI Senate Philippines ang nationwide search para sa The Outstanding Filipino (TOFIL) Awards 2026, na kumikilala sa mga Pilipinong edad 41 pataas na may natatanging ambag sa lipunan at nagsisilbing huwaran sa kapwa.
Layunin ng parangal na bigyang-pansin ang mga indibidwal, lalo na mula sa grassroots level na may makabuluhang kontribusyon ngunit kadalasang hindi nabibigyan ng sapat na pagkilala.
Ayon kay JCI Sen. Rogelio Suclad, National Vice president for north luzon, JCI Senate Philipines, hinihikayat nila ang iba’t ibang sektor, kabilang ang media, na magmungkahi ng mga karapat-dapat na nominado.
Binigyang-diin naman ni JCI Sen. Herbert Tang, national executive vice president, na hindi lahat ng makabuluhang kontribusyon ay agad napapansin.
Bukas ang nominasyon sa publiko, ngunit hindi maaaring i-nominate ang mga National Artist, National Scientist, mga dating pangulo ng Pilipinas, at kasalukuyang miyembro ng JCI Senate Philippines at national board nito.
Nilinaw din ng mga organizer na walang kaakibat na cash prize ang parangal.
Matatandaan na inilunsad ang aktibidad kamakailan sa bayan ng Calasiao, tampok ang layunin ng programa na kilalanin hindi lamang ang mga kilalang personalidad kundi lalo na ang mga “unsung heroes” o mga ordinaryong mamamayan na may pambihirang kontribusyon sa kanilang komunidad.
Ayon kay JCI Sen. Dino Ferdinand Galido, ang 2026 TOFIL National Chairperson, hindi nililimitahan ang bilang ng pararangalan, bagkus ay nakatuon ang TOFIL sa tunay na epekto ng serbisyo. Dumaraan sa masusing pagsusuri ang bawat nominado upang matiyak na mapipili ang karapat-dapat.
Unang inilunsad noong 1988, kinilala na ng TOFIL Awards ang mga natatanging Pilipino sa iba’t ibang larangan tulad ng negosyo, agham, pamahalaan, edukasyon, agrikultura, kalikasan, at hudikatura.
Samantala, sa mensaheng ipinarating ni dating Dagupan City Mayor at JCI Sen. Marc Brian Lim, ang 2018 World President of Junior Chamber International, binigyang-diin na layunin ng TOFIL na matiyak ang pangmatagalang pagkilala sa mga Pilipinong may malaking ambag sa nation-building.
Maaaring makuha ang nomination forms sa opisyal na website ng TOFIL o sa pamamagitan ng kanilang email. Kailangan sa pagsusumite ang kumpletong dossier, kabilang ang executive summary at mga suportang dokumento, upang masuri nang mabuti ang bawat nominasyon.










