DAGUPAN CITY—Ibinahagi ng dalawang Overseas Filipino Workers sa Israel ang patuloy na hirap na kinahaharap ng mga Pilipino sa gitna ng tensyon, kung saan halos araw-araw umano ang nararanasang missile attacks.

Ayon kay Rexie Mark Guerta, Bombo International news correspondent, tuloy-tuloy ang naririnig na pagsabog subalit, sa kabila nito ay wala silang planong magpa-repatriate sa ngayon. Tatlong linggo na umano silang walang trabaho at umaasa lamang sa tulong mula sa kapwa Pilipino, kanilang pinagtatrabahuhan, at sa OWWA. Gayunpaman, iginiit niyang mas pipiliin pa nilang manatili sa Israel.

Binigyang-diin niya na mas makabubuti para sa kanila na manatili sa Israel kaysa magutom kasama ang kanilang pamilya sa Pilipinas.

--Ads--

Dagdag pa niya, kahit may alok na repatriation ang gobyerno, mas pinipili pa rin nilang manatili. Humiling din siya ng mas sapat at pangmatagalang tulong pinansyal mula sa pamahalaan.Tiniyak naman ni Guerta sa kanyang ina na handa nilang harapin ang panganib ng digmaan, kapalit ng pag-asang maabot ang kanilang mga pangarap—mga pangarap na hindi nila kayang isuko kahit pa kapalit nito ang kanilang kaligtasan.

Samantala, sinabi naman ni Angelita Pagdito, Bombo International news correspondent sa nasabing bansa, ipinaalam na nila sa kanilang pamilya na hindi sila makakapagpadala ng pera. Pero kung mapipilitan ay wala silang magagawa kundi magpa-repatriate, ngunit kung may pagpipilian, mas gugustuhin niyang maghanap ng trabaho sa ibang bansa .

Aniya, kung may maiaalok na trabaho ang pamahalaan sa kanilang pag-uwi, maaari niya itong isaalang-alang, ngunit kung wala, mas pipiliin niyang manatili.