Itinuturing nang natural born Filipino citizen ang mga batang inabandona o foundling na natatagpuan sa loob ng teritoryo ng Pilipinas sa ilalim ng Republic Act 11767 o Foundling Recognition and Protection Act.

Ito ang binigyang-diin ni Atty. Dexter P. Miranda, Legal Officer ng NACC RACC 1, sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kaugnay ng pagdiriwang ng National Children’s Month ngayong Nobyembre.

Ayon kay Atty. Miranda, ang salitang foundling ay tumutukoy sa mga batang inabandona at walang pagkakakilanlan. Naisabatas lamang ang RA 11767 noong May 6, 2022.

--Ads--

May tatlong pangunahing layunin ang batas: Una ay bigyang proteksyon ang mga foundling, pangalawa ay magsagawa ng mabusising paghahanap ukol sa pagkakakilanlan ng bata at kung sino ang tunay nitong magulang, at pangatlo ay agarang pagrehistro ng kapanganakan at pagkilala bilang natural born citizen upang maiwasan ang pamemeke ng birth certificate at pagkawala ng identity.

Bilang central authority, mandato ng NACC na magsagawa ng exhaustive search and inquiry para hanapin ang birth parents o kamag-anak ng foundling sa pakikipagtulungan sa mga ahensya tulad ng PNP, LGU, Barangay, DSWD, DOJ, PSA, at maging sa media.

Mandated din ang inter-agency collaboration upang matiyak na may access ang mga foundling sa government programs and services, lalo na sa medical at health care.

Kapag nailagak ang foundling sa isang child caring agency o residential care facility, kailangang bigyan ito ng tamang pag-aaruga. Kung identified na ito for adoption, magiging practitioner ang ahensya para sa issuance ng CDCLAA o Certificate Declaring Child Legally Available for Adoption.

Ayon kay Ms. Cristina Lagunilla, kapag wala talagang magulang na nag-claim o nag-take custody sa bata, ipo-process ito para sa CDCLAA na iisyu ng NACC. Ibig sabihin, para sa best interest ng bata na dumaan ito sa adoption process. Kapag may CDCLAA na, saka ito dadaan sa matching process kung saan hahanapan ito ng suitable at responsive na prospective adoptive parent sa pamamagitan ng Regional Child Placement Committee.

Nilinaw din ni Lagunilla na may mga pagkakataon na bumabalik ang biological parents para i-claim ang bata. Sa ganitong kaso, kailangan nilang patunayan sa pamamagitan ng DNA testing at sumailalim sa parenting capability assessment ng social worker upang malaman kung bakit nila nagawang iwan ang bata at kung may kakayahan silang muling alagaan ito. Hindi aniya ito paraan para pahirapan ang magulang kundi para protektahan ang bata na nasa pangangalaga na ng estado.