DAGUPAN CITY- Nasawi ang isang menor de edad sa bayan ng San Jacinto matapos na aksidenteng mabangga ng isang SUV habang nagbibisikleta noong araw ng Sabado.
Naganap ang insidente pasado alas dose ng tanghali sa kahabaan ng National Road sa Barangay Guibel.
Sa ulat ng imbestigasyon, kasabay ng ilang kaibigan, nagbibisikleta ang biktima sa gilid ng kalsada nang aksidenteng mapadako ito sa mismong bahagi ng main road.
Ayon kay Pmaj Napoleon Velasco, Pauwi na sana ang SUV driver sa Pampanga matapos ang kanilang outing nang maganap ang hindi inaasahang insidente.
Sa lakas ng banggaan, dead on arrival ang biktima na nagtamo ng malubhang sugat sa ulo.
Nagkausap na rin ang pamilya ng biktima at ang driver ng SUV kaugnay ng usaping tulong pinansyal para sa nangyaring insidente.
Paalala naman ng pnp sa mga indibidwal na dumadaan sa kalsada, mag-ingat at sundin ang mga batas trapiko, lalo na sa mga kalsadang matao para maiwasan ang anumang insidente sa kalsada.