Dagupan City – Naglunsad ng manhunt operation ang pulisya matapos ang pamamaril sa Barangay Aliwekwek, Lingayen, Pangasinan noong gabi ng Abril 30.
Sugatan ang 25-anyos na biktima matapos tamaan ng bala sa dibdib at tiyan. Dinala ito sa ospital at kasalukuyang ginagamot.
Batay sa imbestigasyon, naganap ang insidente habang nasa isang inuman ang biktima kaugnay ng pista nang bigla itong pagbabarilin ng suspek na agad tumakas.
Kinilala ang suspek na isang pulis na nakatalaga sa San Carlos City Police Station.
Agad nagsagawa ng hot pursuit at Oplan Sita ang mga awtoridad ngunit nananatili pa ring pinaghahanap ang suspek.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya habang hinihikayat ang publiko na magbigay ng impormasyon para sa agarang pagkakaaresto ng suspek.










