Dagupan City – Nagpaalala ang Mangaldan Municipal Police Station sa publiko kaugnay ng sunod-sunod na insidente ng pagnanakaw ng water meter sa ilang lugar.
Hinikayat ng pulisya ang mga residente na maglagay ng matibay na protective cover o meter box na may kandado upang hindi madaling manakaw ang metro.
Inirekomenda rin ang paggamit ng anti-theft devices, paglalagay ng sapat na ilaw sa paligid, at pag-install ng CCTV o kahit dummy camera bilang panakot sa mga magnanakaw.
Pinayuhan din ang publiko na tiyaking lehitimo at may ID ang mga meter reader bago papasukin sa kanilang bahay.
Mahalaga rin umano ang regular na pag-check sa water meter upang agad mapansin kung may tangkang pagnanakaw o pilit na pagtanggal.
Bukod dito, hinimok ang komunidad na makipag-ugnayan sa barangay at mga kapitbahay upang mapalakas ang pagbabantay at agarang ma-report ang anumang kahina-hinalang kilos o tao.
Pinaalalahanan din ang mga residente na agad makipag-ugnayan sa kanilang water utility provider kapag may nawalang metro o tangkang pagnanakaw.










