Dagupan City – Malalaking proyekto, pinalawak na serbisyo, at patuloy na kaunlaran ang naging tampok sa State of the City Address (SOCA) ni Dagupan City Mayor Belen Fernandez.
Sa kanyang talumpati, binigyang-diin ng alkalde ang patuloy na pag-unlad ng lungsod sa pamamagitan ng mga programang nakatuon sa imprastruktura, edukasyon, kalusugan, at kabuhayan ng mga mamamayan.
Inilahad ni Fernandez ang kasalukuyang kalagayan ng lungsod at ang mga naging bunga ng mga programang ipinatupad ng lokal na pamahalaan sa nakalipas na apat na taon.
Ayon sa alkalde, umabot sa 207 infrastructure projects ang naisulong at naisakatuparan sa tulong ng lokal na pamahalaan at ng national government.
Kabilang dito ang 96 road at drainage projects, 23 school buildings, 8 site development projects, 2 Child Development Centers, 5 gymnasiums, 3 school facilities, at 60 iba pang government infrastructure projects.
Binigyang-diin din ni Fernandez na ang mga proyektong ito ang patunay na maayos na naipupuhunan ang buwis ng mamamayan para sa kapakinabangan ng buong lungsod.
Isa rin sa mga pangunahing prayoridad ng administrasyon ang edukasyon.
Ayon sa alkalde, mula sa 9,328 scholars noong 2025 ay umabot na sa 11,140 scholars ang mga benepisyaryo ng scholarship program ng lungsod, na may kabuuang pondong ₱228.5 milyon.
Bukod dito, patuloy ding pinalalakas ng lokal na pamahalaan ang mga programa para sa early childhood care, gayundin ang mga hakbang upang mapataas ang antas ng literacy ng mga adult learners sa pamamagitan ng Philippine Informal Reading Inventory at iba pang literacy assessment programs.
Samantala, sinabi rin ni Fernandez na nasa 1,500 manggagawa ang nabigyan ng pansamantalang hanapbuhay sa ilalim ng TUPAD (Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers) bilang bahagi ng mga programang pangkabuhayan ng lungsod.










