Pinaiigting ng 2nd Mechanized Infantry “MAKASAG” Battalion ng Philippine Army ang paghahanda sa seguridad para sa nalalapit na 2026 Bangsamoro Parliamentary Elections.

Patuloy na isinasagawa ng yunit ang iba’t ibang security measures sa kanilang Area of Responsibility upang matiyak ang ligtas, mapayapa at maayos na halalan.Pangkalahatang Sanggunian

Kabilang sa mga hakbang ang mas pinaigting na koordinasyon sa mga lokal na pamahalaan, law enforcement agencies, higher headquarters at iba pang katuwang na organisasyon.

--Ads--

Binigyang-diin din ng pamunuan ang pagpapanatili ng propesyonalismo, disiplina, pagiging patas at pagiging non-partisan ng lahat ng personnel habang ginagampanan ang kanilang tungkulin.

Layunin ng mga hakbang na maprotektahan ang karapatan ng mga Bangsamoro na malayang makapili ng kanilang mga kinatawan, nang walang takot, pananakot o anumang uri ng panghihimasok.

Kasabay nito, pinalalakas din ng MAKASAG Battalion ang community engagement at inter-agency coordination upang agad na matugunan ang anumang posibleng banta sa seguridad.

Tiniyak ng yunit ang kahandaan nitong suportahan ang mapayapa, ligtas at maayos na pagsasagawa ng halalan, alinsunod sa batas at sa mandato ng Philippine Army.