Ipinahayag ni Liza Maza, pangulo ng Makabayan Coalition, ang pagkabahala at pagkadismaya sa pag-withdraw sa usapin na may kaugnayan sa confidential funds sa impeachment proceedings laban kay Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Maza, mahalagang matalakay at mabigyang-linaw ang usapin dahil nakasalalay dito ang pananagutan at transparency sa paggamit ng pondo ng bayan.
Binigyang-diin niya na sa kabila ng mga ebidensiyang inilahad ng prosekusyon na aniya’y sapat upang suportahan ang conviction ni Duterte sa apat na artikulo ng impeachment, nakalulungkot umano kung hindi lubusang matatalakay at masasagot ang mga katanungang ibinangon laban sa bise presidente.
Sinabi rin ni Maza na mas makabubuting mailahad pa ang mga detalye ng usapin at mabigyan ng pagkakataon si Duterte na sagutin ang mga alegasyon. Aniya, nararapat lamang na magkaroon ng kasagutan ang mamamayang naghahangad ng katarungan kaugnay ng umano’y maling paggamit o pagwawaldas sa pondo ng bayan.
Dagdag pa niya, mahirap umanong balewalain ang mga alegasyon dahil sa mga dokumento at testimonya na iniharap sa mga pagdinig, kabilang ang mga kuwestiyonableng ari-arian at transaksiyong iniuugnay sa bise presidente.
Ayon kay Maza, sinasang-ayunan din niya ang punto ng prosekusyon na nagkaroon ng maraming pagkakataon si Duterte upang magpaliwanag tungkol sa mga isyung ibinabato sa kanya.
Matatandaang tinalakay ni Atty. Alexander Cabrera sa impeachment proceedings ang mga kahina-hinalang daloy ng pera sa mga kumpanyang iniuugnay sa pamilya ni Duterte.
Sa gitna ng mga usaping ito, iginiit ni Maza ang kahalagahan ng patuloy na paghahanap ng mga kasagutan at pagtiyak na ang mga alegasyon hinggil sa paggamit ng pondo ng bayan ay matutugunan sa pamamagitan ng malinaw na proseso at pananagutan.
Nanawagan din siya sa publiko na patuloy na subaybayan ang impeachment proceedings upang matiyak na mabibigyang-linaw ang mga isyung may kaugnayan sa paggamit ng pondo ng bayan. Aniya, layunin nilang makamit ang katarungan laban sa korupsiyon at panagutin ang mga opisyal ng pamahalaan sa anumang paglabag na mapatutunayan laban sa kanila.










