DAGUPAN CITY- Sugatan ang isang biktima sa Barangay Amansabina, bayan ng Mangaldan matapos itong biglang saksakin ng kaniyang nakababatang kapatid dahil sa kanilang pagtatalo.
Ayon kay PLt.Col Perlito Tuayon, Chief of Police ng Mangaldan PNP, nangyari ang insidente nitong pasado alas dose ng hatinggabi ng linggo kung saan nagkaalitan ang nasabing magkapatid sa loob ng kanilang bahay dahil umano sa ibinentang cellphone.
Sa gitna ng komosyon, sinasabing bigla na lamang sinaksak ng nakababatang kapatid ang kanyang kuya.
Apat na beses tinamaan ng patalim ang biktima, kung saan ang mga sugat ay tumama sa kanyang braso at likod.
Agad na isinugod sa ospital ang biktima at kasalukuyang ginagamot.
Samantala, agad namang nadakip ng mga awtoridad ang suspek at sasampahan ng kaukulang kaso.
Hindi na narekober ang ginamit na patalim nang itapon umano ito ng suspek matapos ang krimen.
Paalala ng kapulisan, iwasan ang anumang pagtatalo na maaaring humantong sa karahasan.
Magsagawa ng mahinahong pag-uusap sa halip na paigtingin ang sigalot sa loob ng tahanan.