Dagupan City – Kabilang sa pangunahing prayoridad ng Department of Agriculture Ilocos Region ang pagpapagawa ng farm-to-market roads o FMRs upang mapabilis ang transportasyon ng mga produktong agrikultura mula sa mga bukirin patungo sa mga pamilihan at mabawasan ang gastusin ng mga magsasaka.
Ayon kay Doris Garcia ng Planning, Monitoring, and Evaluation Division ng DA Ilocos Region, bahagi ang programa ng mas malawak na hakbang upang mapalakas ang agricultural infrastructure at market access ng mga magsasaka at mangingisda.
Iniulat ng DA na umabot sa P1.84 bilyon ang inilaan para sa 190 FMR projects sa Pangasinan, Ilocos Norte, Ilocos Sur, at La Union na sasaklaw sa mahigit 122 kilometro ng mga kalsada.
Pinakamalaking pondo ang inilaan sa Pangasinan na nakatanggap ng nasa P1.11 bilyon para sa 137 proyekto na may kabuuang habang 73.64 kilometro dahil sa mahalagang papel nito bilang pangunahing agricultural production area sa rehiyon.
Bukod sa imprastraktura, nagpapatuloy rin ang DA sa pamamahagi ng binhi at farm inputs, irrigation support, pagsasanay sa mga magsasaka, at pagbibigay ng makinaryang pansakahan upang mapababa ang gastos sa produksyon at mapataas ang ani.
Simula 2026, direktang hahawakan na ng DA ang implementasyon ng mga FMR project mula sa Department of Public Works and Highways upang mas maiayon ang road development sa pangangailangan ng sektor ng agrikultura.










