Ibinunyag ni House impeachment prosecutor at Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon na hindi bababa sa 50 baril ang umano’y nakarehistro sa pangalan ni Vice President Sara Duterte at ng kanyang asawang si Manases “Mans” Carpio, na maaaring magpataas sa kanilang aktuwal na net worth kumpara sa nakasaad sa mga Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) ng Bise Presidente.

Ayon kay Ridon, hihilingin ng prosecution panel sa Philippine National Police (PNP) ang mga rekord ng pagmamay-ari ng mga baril at maaaring ipatawag ang mga firearms dealer at valuation expert sa impeachment trial upang matukoy ang halaga ng mga ito.

Iginiit ni Ridon na dapat naideklara sa SALN ang mga baril dahil kabilang ito sa mga rehistradong personal na ari-arian na kailangang isa-isang ilista ng mga opisyal ng gobyerno.

--Ads--

Sinabi rin ni Ridon ang mga nasabing armas ay binubuo umano ng mga rifle, revolver, shotgun, at pistol na nakalista sa pangalan ng mag-asawang Duterte-Carpio. 

Aniya, posibleng umabot sa milyun-milyong piso ang kabuuang halaga ng mga ito.

Nilinaw naman ng mambabatas na hindi pinag-uusapan ng prosecution kung paano ginagamit ang mga baril, kundi kung bakit hindi umano ito naideklara sa SALN ni Duterte.

Bahagi ang isyu ng mga baril sa mga ebidensyang inihain ng prosecution sa impeachment case laban sa Bise Presidente. 

Nakatakdang magsimula ang paglilitis sa Hulyo 6.