Inanyayahan ni Santo Tomas Mayor Dickerson Villar ang publiko na makisaya sa kanilang town fiesta ngayong Marso, na nagsimula na ngayong araw kasabay ng kanilang ika-118 founding anniversary.
Ang limang araw na pagdiriwang ay magtatampok sa kanilang Guinness World Record holder na “longest barbecue corn grill,” kung saan 118 lamesa o grill ang ilalatag sa kalsada ng bayan para sa pinakamalaking corn grilling event sa darating na Marso 24.
Inaasahang aabot sa mahigit 300 piraso ng mais ang ihahanda para sa pagtitipon, kung saan ang bawat lamesa ay tinatayang may mahigit 20 mais.
Ang tradisyon ng corn grilling ay ginagawa na ng bayan sa loob ng 18 taon mula nang makamit nila ang Guinness World Record noong 2008, na nagpapatunay sa kanilang dedikasyon sa pagpapanatili ng kanilang natatanging kultura at pagbibigay-pugay sa kanilang pangunahing ani.
Lubos ang pasasalamat ni Mayor Villar sa Department of Agriculture (DA) sa patuloy nilang pagsuporta sa mga magsasaka ng bayan, mula sa abono hanggang sa seedlings.
Dahil sa tulong na ito, napanatili ng bayan ang kanilang pagiging “Hall of Fame” bilang Best Quality Corn simula noong 2019.
Pinapanatili ng mga lokal na magsasaka ang tamis at juiciness ng kanilang purple corn, pati na rin ang kalidad ng yellow corn na ginagamit para sa animal feeds.
Ang kanilang purple corn, na may halong puti, ay kilala sa pagiging mayaman sa antioxidants, at paminsan-minsan ay nagtatanim din sila ng pure purple corn sa kanilang agricultural tourism area.
Layunin ng malawakang pagdiriwang na ito ay hindi lamang upang ipagmalaki ang kanilang kultura at ani, kundi upang higit na mapalakas ang turismo sa bayan at mabigyan ng pagkakataon ang mas marami na makatikim ng kanilang kilalang kalidad ng mais.
Samantala, ang pagpapanatili sa kanilang Guinness World Record at ang patuloy na pagkilala sa kalidad ng kanilang produkto ay nagsisilbing inspirasyon sa mga magsasaka at nagpapakita ng pagpupunyagi ng Sto. Tomas na maging sentro ng pagdiriwang at pagpapahalaga sa mais.










