DAGUPAN CITY- Tiniyak ng Bureau of Fire Protection Pangasinan ang mabilis at agarang pagresponde ng kanilang mga bumbero sa anumang ulat ng sunog na matatanggap.

Sinabi ni FSsupt. Marvin T. Carbonel ang Provincial Fire Marshal na mabilis na tutugon ang kanilang mga tauhan sa oras na makatanggap sila ng tawag, kahit pa gaano kaliit o kalaki ang sunog.

Hindi umano nila binabalewala ang anumang ulat, at agad silang kikilos para matiyak ang kaligtasan ng lahat.

--Ads--

Kaya naman, nanawagan ito sa publiko na maging mapagmatyag at agad na ipagbigay-alam sa kanila ang anumang sunog na makita.

Paalala din nito na sa halip na mag-video at ipost sa social media, mas makabubuti kung agad na ipagbibigay-alam sa mga kasamahan o kaya’y direktang tumawag sa pinakamalapit na fire station

Bukod dito, ang pinakamabilis na paraan upang makatawag ng bumbero o anumang emergency ay ang pagtawag sa 911.

Samantala, wala pa naman aniyang naitatalang insidente ng pagharang sa mga bumbero sa Pangasinan dahil nakikiisa rin ang mga tricycle driver at iba pang motorista sa pagbibigay-daan sa mga emergency vehicle gaya ng Fire Truck.