Dagupan City – Naitala ang mahigit 10 metrikong toneladang tilapia na namatay sa naganap na fish kill sa Magat Dam.
Ayon kay Dr. Westly Rosario, dating Director ng National Integrated Fisheries Technology Development Center ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), isa sa pangunahing dahilan ng insidente ang hindi na maayos na regulasyon sa paglalagay ng mga fish cage sa dam.
Aniya, naging masyadong dikit-dikit ang pagkakaayos ng mga fish cage na mistulang “bahay ng gagamba,” dahilan upang mabawasan ang malayang pagdaloy ng tubig.
Aniya, mas mainam na magkaroon ng mas maluwag at mas malalim na espasyo para sa mga isda upang maging maayos ang kanilang paglaki at mapanatili ang sapat na oxygen sa tubig.
Binigyang-diin ni Rosario na hindi lamang dapat isisi sa climate condition ang mga ganitong pangyayari dahil may malaking bahagi rin ang mga gawain ng tao.
Aniya, mahalagang gamitin ang siyensya sa pamamahala ng aquaculture upang maiwasan ang pagkalugi at mapanatiling matatag ang industriya.
Iginiit din nito na ang aquaculture ang isa sa mga susi sa food security ng bansa dahil mas napaplano ang produksyon ng isda kumpara sa capture fishing na nakadepende sa dami ng mahuhuli.
Samantala, pinuri ni Rosario ang idinaos na First Summit ng Bicol Alliance of Fisheries Professionals, kung saan binigyang-diin niya ang kahalagahan ng mga eksperto sa bawat sektor ng pangisdaan.
Hinimok din niya ang pagpapalakas ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) upang higit na mapagtuunan ng pansin ang pagpapaunlad ng industriya ng aquaculture at mas mapakinabangan ang potensyal nito para sa pangmatagalang seguridad sa pagkain at kabuhayan ng bansa.










