Dagupan City – Nanawagan sa publiko si Manaoag Mayor Jeremy “Doc Ming” Rosario ang President ng League of Municipalities of the Philippines Pangasinan Chapter na manalangin para sa kapayapaan, paggalang sa soberanya, at pagkakaisa sa kabila ng nagaganap na political tensyon sa Senado.
Ayon kay Mayor Rosario, itinuturing niya na ang mga pangyayari ito ay nagdulot ng malaking pagkamulat sa mga Pilipino, na ngayon ay halos lahat ay nakatutok sa mga kaganapan.
Sinabi niya na siya mismo, maging ang kanyang opisina at ilang mga mayor sa Pangasinan ay aktibong sinusubaybayan ang mga paglalahad sa Senado, kung saan nagsimula nang magpulong ang senado para sa Impeachment Court laban kay VP Sara Duterte.
Sa nangyaring pagpalit ng mayorya sa Senado, Idinagdag niya na ang ganitong mga sitwasyon ay maaaring mangyari hindi lamang sa pambansang antas kundi pati na rin sa mga lokal na sanggunian, dahil umaasa ito sa dami ng suporta at tiwala ng mga kasapi.
Hindi na umano siya magugulat kung magkaroon pa ng mga pagbabago sa sitwasyon sa susunod na mga araw.
Gayunpaman, binigyang-diin niya na umaasa silang manaig sa huli ang mga bagay na tama at makakabuti para sa Pilipinas.
Bagama’t nakakalungkot ang mga pangyayari lalo na ang naging putukan at mga isyu sa Senado, tinitingnan ni Mayor Rosario ang mga ito sa positibong paraan dahil naging daan ito upang maging mas mapagmatyag, mulat, at nakatutok ang mga Pilipino sa mga gawain ng Senado.









