Nagpatupad ng heightened vigilance status ang Lingayen Municipal Police Station upang matiyak ang patuloy na kapayapaan at kaayusan sa bayan sa gitna ng mga posibleng banta na maaaring dulot ng mga nakaraang operasyon laban sa kriminalidad.
Sa ilalim ng pamumuno ni PLTCOL Junmar C. Gonzales, Chief of Police, pinalakas ang mga hakbang sa seguridad bilang paghahanda sa anumang posibleng retaliatory o spillover threats. Bagamat nananatiling mapayapa ang sitwasyon sa Lingayen, binibigyang-diin ng pulisya ang kahalagahan ng pagiging handa bilang pangunahing depensa laban sa anumang insidente.
Kabilang sa mga ipinatutupad na hakbang ang pinaigting na Oplan Sita kung saan mas mahigpit na binabantayan ang mga checkpoint upang matiyak ang kaligtasan ng mga motorista at maiwasan ang pagpasok ng mga kahina-hinalang indibidwal.
Dinagdagan din ang presensya ng mga pulis sa mga pampublikong lugar tulad ng mga palengke, simbahan, at pasyalan upang mapanatili ang kaayusan at seguridad.
Patuloy din ang aktibong intelligence monitoring ng mga awtoridad sa pakikipag-ugnayan sa mga opisyal ng barangay upang agad na matukoy at matugunan ang anumang banta sa komunidad.
Hinihikayat naman ng pulisya ang publiko na makiisa sa pagpapanatili ng kapayapaan sa pamamagitan ng pagiging mapagmatyag sa kanilang kapaligiran at agarang pag-uulat ng anumang kahina-hinalang aktibidad, tao, o sasakyan.
Pinapaalalahanan din ang mamamayan na manatiling kalmado at iwasan ang pagpapakalat o paniniwala sa mga hindi beripikadong impormasyon na maaaring magdulot ng takot.
Iginiit ng Lingayen PNP na ang seguridad ay kolektibong responsibilidad ng bawat isa, at mahalaga ang pagtutulungan ng komunidad at kapulisan upang mapanatili ang isang ligtas at maayos na Lingayen.










