Limang katao ang nasawi at hindi bababa sa limang iba pa ang nasugatan sa sunog na sumiklab sa isang apartment building sa Spain.
Ayon sa mga awtoridad, nagsimula ang apoy sa isang limang palapag na gusali sa Manlleu, malapit sa Barcelona, sa hilagang-silangan ng bansa.
Saad ng emergency services na ang sunog ay nag-ugat sa storage room ng gusali.
Wala pang malinaw na dahilan kung bakit nagsimula ang sunog.
Ani ng pulisya ng Catalonia, ang limang nasawi ay pawang kabataan at hindi nakatira sa nasabing gusali.
Samantala, sa limang nasugatan, apat ang nakalabas na mula sa ospital habang ang isa ay hindi na kailangan pang gamutin sa ospital.
Tatlong pamilya naman ang pansamantalang inilipat sa isang malapit na hotel, habang ang iba ay nakabalik sa kanilang mga unit sa gusali.










