Matagumpay ang isinagawang medical mission ng Bagong Bayani Sandigan Eagles Club para sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs) sa Hong Kong.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Marlon Pantat de Guzman, Bombo International News Correspondent sa Hongkong, ang naturang aktibidad ay bahagi ng community outreach program ng organisasyon na layong makatulong sa kalusugan at kapakanan ng mga Pilipinong nagtatrabaho sa ibang bansa.

Idinaos ang medical mission sa St. Joseph’s Church kung saan karaniwang nagtitipon ang mga OFW tuwing araw ng pahinga.

--Ads--

Kabilang sa mga serbisyong inialok ay libreng blood pressure check, blood glucose o sugar test, at blood uric acid test na mga pangunahing pagsusuri na makatutulong upang maagapan ang posibleng karamdaman tulad ng hypertension, diabetes, at gout.

Ayon kay De Guzman, nagsimula ang aktibidad bandang alas-10 ng umaga at nagtapos ng alas-12 ng tanghali, kung saan marami ang nakinabang sa serbisyong pangkalusugan na ibinigay ng grupo.

Samantala, nagpahayag naman ng pasasalamat at kasiyahan ang mga OFW na nabigyan ng libreng medical check-up.
Malaking tulong umano ito lalo na’t limitado ang kanilang oras at kadalasang mahal ang pagpapatingin sa ibang bansa.

Nilinaw rin ni De Guzman na may sapat na pondo ang kanilang organisasyon upang maisagawa ang ganitong uri ng proyekto, at hindi sila nanghihingi o nagsosolicit ng donasyon mula sa mga indibidwal.