Isasalang sa paraffin test o forensic na pamamaraan para matukoy kung nagpaputok ng baril, ang mga sangkot sa nangyaring putukan sa loob ng Senado nitong gabi ng Miyerkules, Mayo 13.
Sa isang press briefing, sinabi ni PNP spokesperson Brig. Gen. Randulf Tuaño na lahat ng mga indibidwal ay isasailalim sa naturang pagsusuri partikular na ang mga tauhan ng Police Security and Protection Group (PSPG), Philippine Marine Corps na nakatalaga sa Senado at ang mga tauhan ng Office of the Senate Sergeant-at-Arms (OSAA).
Ayon sa PNP officer, ilang blankong basiyo ng bala mula sa caliber 5.86 na baril, M16 rifle at 9mm pistol ang narekober mula sa pinangyarihan ng putukan sa ikalawang palapag ng gusali ng Senado.
Ipinapaubaya naman na ng PNP officer sa OSAA ang pagbibigay ng komento kaugnay sa napaulat na si Senate Sergeant-at-Arms retired Major General Mao Aplasca ang naunang nagpaputok ng baril para pigilan ang pagpasok ng mga armadong grupo.
Nauna naman nang nilianaw ng pambansang pulisya na ang presensiya ng mga pulis sa premises ng Senado ay parte ng “established security contingent.”
Naatasan din ang Police Security and Protection Group na tiyakin ang seguridad, panatilihin ang kaayusan at magbigay ng suporta sa koordinasyon sa mga kinauukulang otoridad sa gitna ng mahigpit na security situations sa pasilidad. // Via Bombo Everly Rico










