Mahigit ₱430,000 halaga ng iba’t ibang uri ng iligal na droga ang nasamsam sa isinagawang joint sting operation ng PDEA at PNP, na nagresulta rin sa pagkakaaresto sa dalawang suspek.
Ayon kay PDEA Regional Office 1 Director Julius M. Paderes, PhD, kabilang sa mga suspek si Ilyas Macmac na may mga nauna nang rekord kaugnay ng ilegal na droga. Gayunman, sinabi niyang may mga nakaraang kaso na na-dismiss dahil sa technicalities.
Dahil dito, tiniyak ni Paderes na patuloy ang pagsasanay at evaluation ng mga operatiba at katuwang na law enforcement agencies upang matukoy ang mga naging pagkukulang sa mga nakaraang operasyon at maiwasang maulit ang mga ito.
Ayon pa kay Paderes, unang pagkakataon para sa PDEA na magsagawa ng operasyon laban sa dalawang suspek. Lumalabas din sa initial investigation na ipinapamahagi umano ng mga suspek ang kanilang supply ng ilegal na droga sa Tayug at mga kalapit na bayan.
Patuloy namang tinutukoy ng mga awtoridad ang pinagmumulan ng naturang supply bilang bahagi ng nagpapatuloy na imbestigasyon.









