Iginiit ni Neri Colmenares, abogado ng mga biktima ng war on drugs ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, na walang legal na batayan upang hindi ipatupad ng mga awtoridad ang anumang warrant of arrest na ilalabas ng International Criminal Court (ICC) laban kay Senador Ronald dela Rosa.

Sa panayam sa Bombo Radyo Dagupan, sinabi ni Colmenares na kinikilala ng Pilipinas ang kapangyarihan ng ICC na maglabas ng warrant of arrest dahil lumagda ang bansa sa Rome Statute bago ito umatras sa ICC.

Ayon sa kanya, malinaw umano sa Article 127 ng tratado na may obligasyon pa ring makipagtulungan ang Pilipinas sa mga kasong nasimulan bago ang withdrawal nito sa ICC.

--Ads--

Binigyang-diin din niya na walang probisyon sa batas o Konstitusyon na nagsasabing dapat Pilipinong hukom lamang ang maaaring maglabas ng warrant of arrest.

Aniya, maituturing na “competent authority” ang mga hukom ng ICC kaya maaari umanong ipatupad ng mga awtoridad ang anumang warrant laban kay Dela Rosa.

Tinutulan din ni Colmenares ang argumento ng ilang senador ukol sa “institutional courtesy” para hindi agad maaresto si Dela Rosa sa loob ng Senado.

Ayon sa kanya, maaaring maging maayos at magalang ang pagpapatupad ng warrant ngunit hindi ito nangangahulugan na hindi na ito ipatutupad.

Dagdag pa niya, hindi umano dapat magkaroon ng espesyal na pagtrato sa isang senador kumpara sa ordinaryong mamamayan na agad na inaaresto kapag may warrant laban sa kanila.

Binigyang halimbawa ni Colmenares ang pag-aresto noon kina dating Senadora Leila de Lima at dating Senador Antonio Trillanes IV sa loob mismo ng Senate premises noong administrasyon ni Duterte.

Ayon kay Colmenares, nabigyan naman umano si Dela Rosa ng pagkakataong dumaan sa judicial process matapos itong makapaghain ng petisyon sa Korte Suprema upang humingi ng temporary restraining order (TRO).

Gayunman, sinabi niyang kapag hindi pinagbigyan ng TRO ang isang taong may warrant of arrest ay dapat itong sundin tulad ng ginagawa sa ordinaryong mamamayan.

Kaugnay naman ng kaso sa ICC, sinabi ni Colmenares na kabilang sa alegasyon laban kay Senador Bong Go ang umano’y pagiging daluyan ng pondo para sa reward system sa ilalim ng war on drugs campaign.

Binanggit din niya ang umano’y naging pahayag noon ni Dela Rosa tungkol sa pagbibigay ng reward money para sa mga “high value target.”

Gayunman, sinabi ni Colmenares na magkakaroon pa rin ng pagkakataon ang mga inaakusahan na sagutin ang mga alegasyon sa paglilitis at mapawalang-sala kung mapatutunayang wala silang kinalaman sa mga paratang.

Ayon pa sa kanya, mahalaga para sa mga pamilya ng mga biktima na magkaroon ng paglilitis upang mailahad nila ang sinapit ng kanilang mga kaanak na umano’y karumal-dumal at walang awang pinaslang.

Samantala, sinabi ni Colmenares na tuloy pa rin ang conference meeting sa ICC sa Mayo 27 at umaasa silang masisimulan ang trial bago matapos ang taon.

Ipapakita umano nila sa ICC na ang mga pagpatay sa ilalim ng war on drugs ay “widespread or systematic attack.”

Ayon kay Colmenares, bahagi ito ng kanilang framework upang patunayan na ang mga umano’y pagpatay ay hindi lamang hiwa-hiwalay na krimen ng mga pulis kundi bahagi ng isang planong ipinag-utos umano mula sa itaas ng pamahalaan.

Sinabi rin niya na handa ang kampo ng mga biktima sa paglilitis at umaasa silang makarating sa The Hague ang ilan sa mga pamilya ng mga biktima kung magkakaroon ng sapat na suporta mula sa human rights groups at justice advocates.

Sa kabila nito, nilinaw ni Colmenares na mahihirapan umano ang depensa sa kaso dahil sa lakas ng ebidensyang hawak ng mga complainant sa ICC.