Dagupan City – Pinalalakas ng lokal na pamahalaan ng Laoac, Pangasinan ang sektor ng agrikultura at turismo sa pamamagitan ng iba’t ibang proyektong pangkaunlaran na layong mapabuti ang kabuhayan ng mga residente.
Ayon kay Mayor Ricardo Balderas, patuloy ang pagpapaunlad sa isang malawak na lupain ng LGU na ginagamit para sa pagtatanim ng iba’t ibang gulay.
Suportado ito ng mga national agencies na nagkaloob ng mga makabagong kagamitan at pananim upang mapabilis ang produksyon.
Malaki ang naitulong ng mga bagong modelong makina na mas maliit ngunit mas episyente kumpara sa mga naunang kagamitan.
Kasabay nito, isinusulong din ng pamahalaang bayan ang agri-tourism bilang isa sa mga pangunahing direksyon ng kaunlaran sa Laoac.
Nakikita itong potensyal na makapagbigay ng dagdag na kita at oportunidad sa komunidad habang naipapakita ang kakayahan ng bayan sa larangan ng agrikultura.
Pinalawak din ang dairy farm sa Barangay Butigi kung saan nadagdagan ang pasilidad, kabilang ang dalawang hiwalay na kulungan para sa mga baka at kalabaw.
Layunin nito na mas mapabuti ang pamamahala at produksyon ng gatas.
Ayon sa alkalde, natapos na ang mga bagong pasilidad at inaasahang mas mapapalakas ang operasyon ng dairy farm.
Sa tulong ng pamahalaang panlalawigan, naglaan ng pondo para sa karagdagang pasilidad at pagbili ng mga alagang hayop.
Sa kasalukuyan, umaabot na sa mahigit 100 ang inaasahang bilang ng mga baka, kabilang ang mga bagong biling milking cows na unti-unti nang nagpaparami at nagbibigay ng suplay ng gatas.
Bawat baka ay tinatayang nakapagbibigay ng hindi bababa sa 12 litro ng gatas kada araw, na malaking ambag sa produksyon ng dairy products ng bayan.
Ipinunto rin na may kaibahan ang gatas ng kalabaw, na nagbibigay ng dagdag na opsyon sa merkado.
Patunay ang mga proyektong ito ng patuloy na pagsisikap ng lokal na pamahalaan ng Laoac na paunlarin ang agrikultura at lumikha ng mas maraming oportunidad para sa kanilang mamamayan.










