Dagupan City – Nawawala ang isang lalaki sa lungsod ng Dagupan, matapos itong umalis sa kanilang bahay kasama ang kanyang mga kaibigan.

Ayon sa kapatid nitong si Ira Mae, kasalukuyang hindi pa rin ito natatagpuan matapos magpaalam na magtutungo ito sa Pugaro Beach sa lungsod.

Base sa imbestigasyon,ala-una ng hapon ng Enero 1 ngayong taon, sumama si Christian Clores Ubando sa isang grupo na nagpunta sa Pugaro Beach gamit ang isang motorboat. Kasama niya si Ernan Junio Manchio, 48-anyos, pati na rin ang dalawang iba pa. Ayon sa mga kasama ni Christian, lahat sila ay naka-inom ng alak sa mga oras bago mawala ang kanilang kasamahan.

--Ads--

Pagbalik ng grupo mula sa beach, doon na nila napansin na nawawala si Christian. Posible rin anila na nalunod ito matapos tumalon sa tubig sa Pugaro Beach.

Aniya, huling nakita ang kapatid na nakasuot ng itim na shorts. Nagpatuloy ang mga pamilya at kasama ni Christian sa paghahanap, kasama na ang Philippine Coast Guard, ngunit hindi pa rin siya natagpuan.

Pinayuhan ang lahat ng mga yunit ng pulisya at iba pang ahensya na magbigay ng impormasyon na maaaring makatulong sa paghahanap kay Christian Clores Ubando. (Justine Ramos)