Muling nagkaroon ng mainitang sagutan sa plenaryo ng Senado sina Senador Panfilo Lacson at Senador Rodante Marcoleta matapos punahin ni Marcoleta ang kawalan ng opisyal na committee report hanggang sa ngayon, kasunod ng serye ng pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee hinggil sa mga anomalya sa mga flood control project sa bansa.

Ayon kay Lacson, nabigyan na ng inisyal na ulat ang bawat senador, kung saan bawat isa ay may sariling kopya na may watermark ng kani-kanilang opisina. Ginawa umano ito ng kanyang tanggapan upang maiwasan ang nangyaring pag-leak sa inisyal na report ng komite noong nakaraan.

Buwelta naman ni Marcoleta, may ilang kakulangan ang ulat ng komite ni Lacson, partikular na ang kawalan ng mahahalagang pangalan gaya ni Adrian Bersamin, na dating nagsilbing Undersecretary at pinuno ng Presidential Legislative Liaison Office (PLLO).

--Ads--

Inungkat din ni Sen. Marcoleta ang aniya’y pagpupumilit umano ng kaniyang mga kapwa senador tulad ni Sen. Panfilo Lacson na siya ay pro-China.

Sa muling sagutan nina Lacson at Marcoleta sa plenaryo ng Senado, sinabi ni Marcoleta na magpapatawag siya ng hearing sa March 12 ukol sa usapin ng West Philippine Sea at ang hangganan ng teritoryo ng Pilipinas sa pinagtatalunang karagatan.

Kabilang sa mga inimbitahan ay ang mga kinatawan ng National Mapping and Resource Information Authority (NAMRIA) Philippine Coast Guard, Philippine Navy, atbpang malalaking personalidad tulad nina dating Justice Antonio Carpio atbpa.

Nang tanungin ni Lacson si Senate Committee on Foreign Relations Chair Erwin Tulfo, sinabi ni Tulfo na hindi makakadalo ang mga inimbitahang ahensiya at mga personalidad.

Dahil dito, iginiit ni Lacson na ‘kinukumpirma ni Marcoleta ang isang bagay na hindi pa naman nakumpirma’.