Mahalagang maging maingat sa mga pagkain at inumin na maaaring makaapekto sa daloy ng dugo at kalusugan ng puso.

Yan ang binanggit ni Dr. Wilsky Delfin, isang natural health at herbalist consultant hinggil sa pagtaas ng bilang ng mga inaatake sa puso.

Aniya dapat na iwasan din ang labis na pag-inom ng kape sa umaga, pagkain ng malalamig na pagkain, at processed food, dahil maaari itong magdulot ng negatibong epekto sa sirkulasyon ng dugo at pangkalahatang kalusugan.

--Ads--

Ipinaliwanag ni Dr. Delfin na ang atake sa puso o myocardial infarction ay isang seryosong kondisyon na nangyayari kapag ang daloy ng dugo sa bahagi ng puso ay biglaang nahahadlangan, kadalasan dulot ng bara sa coronary arteries na gawa sa taba, cholesterol, at iba pang substances o plaque.

Kapag hindi agad naibalik ang daloy ng dugo, nawawala ang oxygen supply sa puso, na nagdudulot ng pinsala o pagkamatay ng heart tissue.

Kadalasan, ang mga sintomas ng atake sa puso ay kinabibilangan ng matinding pananakit o pressure sa dibdib, pananakit sa braso, leeg, panga o likod, pagkahilo, pagpapawis, at hirap sa paghinga.

Gayunpaman, may mga kaso ng “silent heart attack” na halos walang sintomas.

Ayon kay Dr. Delfin, ang mga pangunahing risk factors ay kinabibilangan ng hypertension, mataas na cholesterol, diabetes, paninigarilyo, labis na timbang, kakulangan sa ehersisyo, stress, at family history ng heart disease.

Binibigyang-diin niya na kritikal ang agarang pagkilos sa oras ng atake sa puso ang pagtawag sa emergency services at pagbibigay ng tamang medikal na atensyon ay nakakaiwas sa malubhang komplikasyon o kamatayan.

Bukod sa emergency treatment, mahalaga rin ang pangmatagalang pamamahala sa lifestyle.

Kabilang dito ang tamang pagkain, regular na ehersisyo, pag-iwas sa paninigarilyo, at pag-inom ng gamot kung inireseta ng doktor, upang maiwasan ang pag-ulit ng atake sa puso.