DAGUPAN CITY- Nananatiling payapa ang bayan ng Lingayen, Pangasinan ayon sa ulat ng Lingayen Municipal Police Station kasunod ng patuloy na pagpapatupad ng mas pinaigting na police visibility at pagpapatrolya sa iba’t ibang bahagi ng bayan.

Ayon kay PLtCol Junmar Gonzales, Chief of Police ng PNP Lingayen, binibigyang prayoridad ng kanilang himpilan ang regular na pagpapatrolya lalo na sa tinatawag na peak hours o mga oras kung kailan nagpapahinga na ang karamihan ng mga residente.

Layunin nitong maiwasan ang anumang posibleng hindi kanais-nais na insidente habang mas kaunti ang mga taong nasa lansangan.

--Ads--

Batay sa tala ng pulisya, nananatiling mababa ang antas ng kriminalidad sa bayan at halos wala ring naitalang petty crimes sa kanilang police blotter sa mga nakalipas na panahon.

Gayunpaman, patuloy pa ring tinututukan ng pulisya ang mga vehicular traffic incidents na isa sa mga pangunahing isyung kanilang minomonitor sa lugar.

Ipinahayag din ni Gonzales na malaki ang ibinaba ng bilang ng mga insidente ng aksidente sa kalsada kumpara sa nakaraang taon.

Mula Enero 1 hanggang Pebrero 5 ng 2025 at sa kasalukuyang tala ngayong taon, naitala ang halos 40 porsiyentong pagbaba ng bilang ng vehicular traffic incidents sa bayan.

Bahagi ng mga hakbang ng pulisya upang mapanatili ang kaayusan sa kalsada ang pagsasagawa ng mga random checkpoint sa iba’t ibang lugar sa Lingayen.

Ayon sa kapulisan, nakabatay ito sa direktiba ng regional at provincial headquarters na magsagawa ng anim hanggang walong checkpoint kada araw upang masiguro ang kaligtasan ng mga motorista at mamamayan.

Kasabay nito, tinututukan din ng mga awtoridad ang pagpapatupad ng mga batas-trapiko kabilang ang paglabag ng ilang motorista tulad ng paggamit ng unregistered at colorum na mga sasakyan.

Nakikipag-ugnayan ang Lingayen police sa Public Safety Office ng bayan na siyang nangangasiwa sa pagpapatupad ng municipal ordinances kaugnay ng mga traffic violations.

Bukod sa mga operasyon sa kalsada, agad ding tumutugon ang kapulisan sa mga ulat mula sa mga barangay tulad ng mga insidente ng vandalism at alitan sa komunidad.

Nakikipagtulungan ang pulisya sa mga barangay officials upang maresolba ang mga ganitong sitwasyon at maibalik ang kaayusan sa lugar.

Patuloy naman ang panawagan ng Lingayen police sa publiko na makipagtulungan sa mga awtoridad at agad na ireport ang anumang kahina-hinalang aktibidad upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa bayan.