Dumalo ang nasa daan-daang Agrarian Reform Beneficiaries (ARBs), magsasaka, at residente ang nakinabang sa libreng legal na konsultasyon at payo kaugnay ng mga usaping agraryo sa kauna-unahang ‘Lakbay Hustisya’ na isinagawa sa Rehiyon Uno.

Idinaos ang programa sa Umingan Public Auditorium sa pangunguna ng ‘Bureau of Agrarian Legal Assistance (BALA)’ katuwang ang ‘Department of Agrarian Reform (DAR) Ilocos Region’, bilang bahagi ng patuloy na pagsisikap ng pamahalaan na mailapit ang mga serbisyong legal sa mga komunidad sa kanayunan.

Layunin ng programa na mabigyan ng mas madaling access ang mga benepisyaryo ng repormang agraryo sa libreng legal na konsultasyon hinggil sa mga isyu sa pagmamay-ari ng lupa, alitang agraryo, legal na dokumentasyon, at iba pang usaping may kaugnayan sa pagpapatupad ng mga batas sa repormang agraryo.

--Ads--

Ayon sa DAR, bahagi rin ito ng layunin ng administrasyon na gawing mas accessible ang mga serbisyo ng pamahalaan, alinsunod sa direktiba ni DAR Secretary Conrado M. Estrella III na ilapit ang mahahalagang programa ng ahensya sa mga magsasaka at benepisyaryo ng repormang agraryo.

Maituturing na malaking tulong ang Lakbay Hustisya sa mga magsasaka dahil nabibigyan sila ng pagkakataong makakuha ng legal na gabay mula sa mga abogado ng DAR nang hindi na kinakailangang bumiyahe nang malayo o gumastos para sa konsultasyon.

Nagdulot din ito ng malaking oportunidad para sa mga benepisyaryo ang pagkakapili sa Umingan bilang unang lugar sa Ilocos Region na pinagdausan ng naturang legal service initiative.

Sa pamamagitan ng Lakbay Hustisya, inaasahang mas mapapalawak pa ang kaalaman ng mga magsasaka tungkol sa kanilang mga karapatan at pananagutan sa ilalim ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP), habang napapabilis din ang pagtugon sa mga suliraning may kaugnayan sa lupa at repormang agraryo.

Patuloy namang palalawakin ng DAR ang programa sa iba pang lugar upang mas marami pang magsasaka at komunidad sa kanayunan ang makinabang sa libreng serbisyong legal at maisulong ang katarungang agraryo at inklusibong kaunlaran sa mga rural na lugar.