DAGUPAN CITY- Isinagawa ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Region 1 ang inspeksyon sa kauna-unahang electric vehicle (EV) sa buong Rehiyon Uno, na ginanap mismo sa Unibersidad de Dagupan (UDD) dito sa lalawigan ng Pangasinan.
Layunin ng inspeksyon na masuri kung ang sasakyan ay nakakatugon sa mga pamantayan ng transport modernization program ng pamahalaan upang mabigyan ng prangkisa.
Dumalo sa nasabing inspeksyon sina LTFRB Regional Director Cristal Sibayan, OIC Chief Transportation Development Officer (CTDO) Atty. Veronica Peralta, Dagupan City Bonuan Loop Transport Service Cooperative Chairman Jessie Quiroz, kasama din Nestor “Boyet” Lovarez (Sales and Manufacturer ng E-Future Company), CHED Regional Director Dr. Christine Ferrer, mga guro at estudyante ng UDD, at iba pa.
Nasa dalawang unit ng EV ang sinuri upang matiyak na nakakatugon ito sa mga kinakailangan ng LTFRB.
Ayon kay Director Sibayan, ito ay sumisimbolo sa kinabukasan ng transportasyon, at inaasahan nitong magiging inspirasyon ito sa ibang mga unibersidad na magkaroon din ng ganitong uri ng sasakyan bilang school bus.
Pinuri niya ang kaginhawaan ng EV, na magiging malaking tulong sa mga estudyante.
Dahil sa 100% solar-powered ang UDD, malaki rin ang matitipid sa gastos ng kuryente dahil sa pagiging rechargeable nito.
Aniya pa, malaki ang pagkakaiba nito sa mga modernisadong jeepney, lalo na sa pisikal na aspeto, dahil inspirasyon ang disenyo nito sa tradisyonal na jeepney ngunit ganap nang de-kuryente ang pagpapatakbo.
Samantala, Inaasahan na magkakaroon ng 10 units ng EV sa UDD kapag naaprubahan ang prangkisa, at kasalukuyang inaayos pa ang route plan nito.
Ang inspeksyon na ito ay isang malaking hakbang tungo sa isang mas sustainable at komportable na sistema ng transportasyon sa Rehiyon Uno.