Dagupan City – Umaabot sa halos 300 modernized jeepney units sa Pangasinan ang kasalukuyang kabilang sa Service Contracting Program ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Region 1.

Inilaan ang programa upang tulungan ang mga transport operator laban sa pagtaas ng presyo ng petrolyo at tiyakin na abot-kaya ang pamasahe para sa publiko.

Prayoridad ng programa ang mga modernized jeepney operator na patuloy na nagbabayad ng kanilang buwanang amortization para sa kanilang mga unit.

--Ads--

Sa ilalim ng programa, ibinibigay ng pamahalaan ang subsidiya sa mga operator batay sa aktwal na serbisyong naibibigay ng kanilang mga sasakyan.

Binibigyang-diin na ang programa ay nakatulong sa mga operator na makakuha ng maayos na kita sa kabila ng pagtaas ng mga gastusin sa langis.

Para sa mga pasahero, nakakakuha ang mga regular na mananakay ng 20% na diskwento sa pamasahe. Mas malaki pa ang benepisyo para sa mga senior citizen, persons with disabilities (PWD), at estudyante – sila ay makakakuha ng hanggang 40% na diskwento.

Upang matiyak na sinusunod ng mga sasakyan ang kanilang itinakdang ruta at maayos na ibinibigay ang serbisyo, gumagamit ang LTFRB ng QR Code System para subaybayan ang mga biyahe ng mga kalahok sa programa.

Dahil sa malaking tulong ng programa sa mga apektado sa krisis ng langis, mas papalawakin pa ang saklaw ng nito para marami pang jeepney units at operator ang makinabang, at mas maraming mamamayan ang makatanggap ng abot-kayang serbisyong pampubliko.