Pinaghahandaan na ng pamahalaang panlalawigan ng Pangasinan ang pagpapatupad ng karagdagang hakbang upang higit na mapalakas ang peace and order sa lalawigan, partikular sa mga paaralan at iba pang pampublikong lugar.

Ito ang inihayag ni Pangasinan Vice Governor Mark Ronald Lambino matapos sabihin na nakahanda na ang peace and order at public security plan ng Sangguniang Panlalawigan bilang bahagi ng patuloy na pagsisikap na matiyak ang kaligtasan ng publiko.

Ayon kay Lambino, alinsunod ito sa direktiba ng Department of Education (DepEd) na tiyaking epektibong naipatutupad ang mga hakbang sa local security. Dahil dito, patuloy ang koordinasyon ng pamahalaang panlalawigan sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno upang higit pang mapalakas ang seguridad sa buong Pangasinan.

--Ads--

Kaugnay nito, nagsagawa kamakailan ng pagpupulong ang Provincial Anti-Drug Abuse Council (PADAC), kasama ang iba pang kaugnay na ahensya ng pamahalaan.

Tinalakay sa pulong ang kasalukuyang peace and order situation sa lalawigan at ang mga hakbang upang mapigilan ang posibleng pagtaas ng index crimes, kabilang ang mga insidenteng maaaring makaapekto sa mga paaralan.

Sinabi pa ni Lambino na hinihintay pa ng pamahalaang panlalawigan ang mga karagdagang ulat at rekomendasyon mula sa iba’t ibang academic institutions at sa Philippine National Police (PNP) upang matukoy kung kinakailangan pang magpatupad ng mas mahigpit na security measures.

Tiniyak naman ng Sangguniang Panlalawigan na magpapatuloy ang pakikipagtulungan nito sa mga ahensya ng pamahalaan at sektor ng edukasyon upang mapanatiling ligtas, mapayapa, at maayos ang buong lalawigan ng Pangasinan.