Iginiit ni Makabayan Coalition President Liza Maza na tila gumagamit umano ng “delaying tactics” ang kampo ni Vice President Sara Duterte sa ikalawang araw ng impeachment trial sa Senado, matapos umanong paulit-ulit na maghain ng mga pagtutol ang depensa sa mga ebidensiya at testigong inihaharap ng prosekusyon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, sinabi ni Maza na kapansin-pansin ang mabagal na takbo ng pagdinig dahil sa madalas na pag-object ng mga abogado ng Bise Presidente.
Ayon kay Maza, kabilang sa mga pangunahing isyung tinatalakay sa kasalukuyan ang alegasyon ng death threats na nakapaloob sa Articles of Impeachment. Aniya, mahalagang mabigyang-linaw ang mga ito sa pamamagitan ng mga ebidensiyang ihaharap sa impeachment court.
Sinabi rin niyang hindi dapat maliitin ang mga naging pahayag ng Bise Presidente, kasabay ng kanyang pananaw na seryoso ang naturang usapin at nararapat lamang itong dinggin sa ilalim ng impeachment proceedings.
Nagkomento rin siya sa pagpunta ni Vice President Duterte sa Senado bago ang pagdinig upang makipagpulong sa kanyang mga abogado. Para kay Maza, mistulang layunin lamang umano nito na makakuha ng atensyon, bagaman kinilala niyang bahagi ito ng mga pangyayaring nakapalibot sa paglilitis.
Idinagdag pa niya na batay sa kanyang obserbasyon, tila hindi kinikilala ng Bise Presidente ang proseso ng impeachment at patuloy itong inilalarawan bilang isang pampulitikang pag-atake laban sa kanya.
Sa usapin naman ng pamumuno ni Senate President Francis “Chiz” Escudero bilang presiding officer ng impeachment court, sinabi ni Maza na naniniwala siyang may sapat itong kakayahan dahil sa kanyang karanasan bilang abogado.
Gayunman, sinabi niyang maaari pang magkaroon ng legal na usapin kaugnay ng bilang ng boto na kinakailangan para sa hatol, isang isyung maaari umanong umabot sa Korte Suprema kung may kuwestiyunin ang alinmang panig.
Kaugnay naman ng mga petisyong inihain sa Korte Suprema na may kaugnayan sa impeachment proceedings, sinabi ni Maza na nakikita niya itong bahagi ng mga hakbang ng kampo ng Bise Presidente at ng kanyang mga kaalyado upang maantala o mapigil ang proseso.
Aniya, bahagi umano ito ng estratehiya ng depensa upang hindi umusad ang impeachment trial.










