Maghahain ng motion for reconsideration ang kampo ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa matapos ibasura ng Korte Suprema ang kanilang hiling na temporary restraining order (TRO) laban sa posibleng pag-aresto at paglipat sa senador sa kustodiya ng International Criminal Court (ICC).
Sa isang pahayag, sinabi ng legal team ni Dela Rosa na gagamitin nila ang lahat ng legal remedy upang kuwestiyunin ang naging desisyon ng Supreme Court.
Si Dela Rosa ay nahaharap sa reklamong crimes against humanity kaugnay ng madugong kampanya kontra ilegal na droga noong administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte mula 2016 hanggang 2022 kung saan siya ang dating Philippine National Police chief.
Mariin namang itinanggi ng senador ang pagkakasangkot sa umano’y extrajudicial killings.
Nauna nang kinumpirma ng mga awtoridad na hinahanap nila ang senador upang ipatupad ang warrant of arrest na inilabas ng ICC. Giit ng kampo ni Dela Rosa, wala umanong legal na kapangyarihan ang mga lokal na awtoridad upang ipatupad ang warrant mula sa isang foreign court.
Lalong umiinit ang usapin matapos lumutang si Dela Rosa mula sa halos anim na buwang pagtatago at pansamantalang nagtago muli sa Senado noong nakaraang linggo bago ito napaulat na umalis sa gusali noong Mayo 14 ng madaling araw.
Hanggang ngayon ay hindi pa rin batid ng publiko ang eksaktong kinaroroonan ng senador.










