DAGUPAN CITY- Bumaba ng 12 porsiyento ang kabuuang bilang ng eight-focus crime sa bayan ng Santa Barbara mula Enero hanggang Disyembre 2025 kumpara sa kaparehong panahon noong 2024, batay sa datos ng Santa Barbara Police Station.
Ayon kay PLt. Col Maichael Datuin, mula sa naitalang 25 insidente noong 2024, bumaba ito sa 22 insidente noong 2025.
Sa kabila ng pangkalahatang pagbaba, nananatiling pinakamataas na naitatalang kaso ang rape.
Kung saan, para sa taong 2025, mayroong 14 na insidente ng rape, na mas mababa kumpara sa 19 na kaso noong 2024.
Ang murder ang may pinakamababang bilang sa eight-focus crime, kung saan isang kaso lamang ang naitala mula Enero hanggang Disyembre 2025.
Ayon kay Datuin, bymaba rin ang bilang ng vehicular traffic incidents sa bayan.
Mula sa 48 insidente ng road crash noong 2024, bumaba ito sa 41 noong 2025, na katumbas ng 15 porsiyentong pagbaba.
Ito aniya ay dahil sa ipinatupad ng Santa Barbara Police Station na 85-15 deployment ratio, kung saan 85 porsiyento ng mga pulis ay nakatalaga sa labas para sa pagbabantay at 15 porsiyento lamang ang nananatili sa himpilan.
Target ng Santa Barbara Police Station na lalo pang pababain ang antas ng krimen at aksidente sa 2026 sa tulong ng patuloy na kooperasyon ng komunidad at ng lokal na pamahalaan.










