DAGUPAN CITY- Nanawagan sa pamamagitan ng United Transport Holiday ang Alliance Of Concerned Transport Organization (ACTO) ng agarang aksyon hinggil sa tumataas na presyo ng petrolyo.

Ang nasabing aktibidad ay isinagawa sa buong bansa ngayon araw, March 23, 2026 at kasama ng ACTO ang National Federation of Transport Cooperatives (NFTC) na pinangunahan ito.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Liberty De Luna, Presidente ng grupo, ito ay upang iparamdam kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., Department of Transportation (DOTr), at sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang hinaing ng kanilang sektor.

--Ads--

Aniya, kanilang hiniling ang agarang pamamahagi ng cash assistance tulad ng fuel subsidy at ayuda mula sa Department of Social Welfare Development (DSWD).

Bukod pa riyan, hiniling din nila ang pagpapatupad ng service contracting para sa mas maayos na serbisyo sa mga mananakay.

Naging ‘highlight’ naman sa kanilang transport holiday ay ang moratorium para sa mga bangko upang hindi muna sila singilin sa kanilang buwanang amortization.

Dahil sa nagtataasang presyo ng produktong petrolyo ay hirap na umano nilang habulin ang pagbabayad nito.