DAGUPAN, CITY— Malaki umano ang naging ‘impact’ sa pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin ang isinagawang protesta ng mga mamamayan sa bansang Sudan.
Ito ang naging pahayag ni Bombo International Correspondent Atty. Christina Balog-ang mula Khartoum, Sudan hinggil sa isinagawang panawagan ng mga residente sa nabanggit na bansa ng isang malaya at demokratikong pamamahala ng kanilang gobyerno.
Ayon kay Balog-ang, nang magsimula umano ang mga isinnagawang kilos-protesta sa halos lahat ng lugar sa Sudan, bahagyang tumaas ang halaga ng asukal, harina, bigas, tubig sa naturang bansa.
Aniya, minsan ding nagkaubusan ang ilang suplay ng mga pangunahing mga suplay ng pagkain sa iba’t ibang mga convenience store noong mga nakaraang mga araw kaya ilan sa mga ito ang pansamantalang nagsara.
Ngunit, sa ngayon umano ay unti-unti na ring nagbubukas ang mga ito at bumalik na rin ang suplay ng mga ito. Sa katunayan ngayong araw ay nakalabas na umano ang karamihan sa kanilang mga bahay upang bumili ng kanilang suplay ng pagkain.
Samantala, isa naman sa pinangangambahan ng mga nasa nabanggit na bansa ay ang pagtaas naman ng kaso ng COVID-19 dahil sa pagsasagawa ng protesta na hindi nagsusuot ng facemask at pagkukumpulan ng mga protesters sa pangunahin kakalsadahan dahil sa pagsasagawa ng Million March na inorganisa ng iba’t ibang sektor sa Sudan.