Dagupan City – Viral sa mga Indian netizens ang video ng isang pulis sa Madhya Pradesh matapos na mina-mouth-to-mouth ang naghihinalong – ahas?

Mga kabombo! naging laman ng mga balita sa India si constable Atul Sharma matapos na bigyan ng cardiopulmonary resuscitation (CPR) o mouth to mouth resuscitation ang isang ahas na nalason ng pesticide.

Ayon sa ulat, pumasok ang isang non-poisonous snake sa pipeline ng isang residential colony. Hindi mapaalis ng mga residente sa pipeline ang ahas kaya binuhusan nila ito ng pesticide.

--Ads--

Nang hindi nila alam kung anong susunod na gagawin, humingi sila ng tulong sa mga pulis. Ang rumespondeng pulis ay si Atul Sharma, isang self-proclaimed “snake rescuer”.

Mapapanood sa viral video na pagkatapos makuha ni Sharma ang ahas sa pipeline, agad niya itong binigyan ng mouth-to-mouth resuscitation pagkatapos ay binuhusan niya ito ng malinis na tubig upang hugasan ang pesticide sa katawan nito. Nang magkaroon ng malay ang ahas, nagpalakpakan ang mga tao sa paligid.

Pagbabahagi pa ni Sharma, naka­pagligtas na siya ng 500 ahas sa nakaraang 15 taon bilang “snake rescuer” at dito niya mas natutunan ang pagligtas sa mga ahas dahil sa kakapanood niya ng mga animal documentaries sa Discovery Channel.