DAGUPAN CITY- Naging masigla at maayos ang unang linggo ng pagbabalik-eskwela sa Longos Elementary School sa bayan ng San Fabian, kasabay ng opisyal na pagbubukas ng klase para sa School Year 2025–2026 noong Hunyo 16.

Ayon kay School Principal Delia Magsanoc, mainit na sinalubong ng mga guro at magulang ang pagbabalik ng mga mag-aaral. Wala ring naging abala sa klase dahil sa panahon, kaya tuloy-tuloy ang mga aktibidad at talakayan sa bawat baitang.

Bagama’t may bahagyang pagbaba sa bilang ng enrollees mula 760 noong nakaraang taon tungo sa 730 ngayong taon, nananatili pa rin ang mataas na antas ng suporta ng komunidad. Isa sa mga pangunahing dahilan ng pagbaba ay ang paglipat ng ilang pamilya sa ibang lugar.

--Ads--

Gayunpaman, bukas pa rin ang paaralan para sa mga late enrollees at umaasang madaragdagan pa ang bilang ng mga estudyante sa mga susunod na linggo.

Sa kabuuan, positibo ang pananaw ng pamunuan na magiging maayos at matagumpay ang buong pasukan hanggang sa pagtatapos ng panuruang taon.