Nanawagan si Pope Leo XIV nitong Linggo laban sa patuloy na paglabag sa kalayaan sa pamamahayag sa iba’t ibang panig ng mundo, kasabay ng paggunita ng World Press Freedom Day kung saan tinukoy nto ang mga nasawi habang ginagampanan lamang ang kanilang tungkulin sa gitna ng kaguluhan at digmaan.

Sa kanyang lingguhang panalangin sa Saint Peter’s Square, binigyang-diin ng Santo Papa ang kahalagahan ng malayang pamamahayag at ang lumalalang banta sa mga mamamahayag.

“Today we celebrate World Press Freedom Day…unfortunately, this right is often violated, sometimes in blatant ways, sometimes in more hidden forms,” ani Pope Leo.

--Ads--

Hinimok din niya ang mga mananampalataya na alalahanin ang mga mamamahayag na nagbuwis ng buhay sa paghahanap ng katotohanan, lalo na sa mga lugar na apektado ng giyera.

Ang World Press Freedom Day, na itinataguyod ng UNESCO at ginugunita tuwing Mayo 3, ay layong ipakita ang suporta sa mga media na nakararanas ng pressure at parangalan ang mga mamamahayag na nasawi sa pagtupad ng kanilang tungkulin.

Sa mga nakaraang pahayag, inilarawan ng Papa ang pamamahayag bilang isang haligi ng lipunan at demokrasya, at iginiit na ang impormasyon ay isang pampublikong yaman na dapat pangalagaan laban sa mga namamanipula.