Inatasan ng International Criminal Court (ICC) Trial Chamber III ang mga kaukulang partido na magsumite ng kanilang obserbasyon hinggil sa patuloy na pagkakadetine ng dating Pangulong Rodrigo Duterte hanggang Mayo 8, kasunod ng pagkumpirma ng mga sakdal laban sa kanya.
Sa isang kautusan na may petsang Mayo 1, tinukoy ng hukuman ang mga partidong inaasahang magsumite ng kanilang pahayag, kabilang ang Office of the Prosecutor, ang depensa ni Duterte, ang Legal Representatives of the Victims, at ang Office of the Public Counsel for Victims.
Ayon sa ICC, alinsunod sa umiiral na mga patakaran, ang pre-trial detention ng akusado ay dapat suriin nang hindi bababa sa bawat 120 araw.
Nakatakdang magsagawa ang Trial Chamber III ng isang status conference sa Mayo 27 kaugnay ng mga kasong crimes against humanity na iniuugnay sa kampanya ni Duterte laban sa ilegal na droga. Ang nasabing pagdinig ay ipapalabas sa website ng ICC na may 30 minutong delay.
Noong Abril 23, kinumpirma ng ICC ang mga kasong crimes against humanity laban sa 81-anyos na dating pangulo.
Samantala, humiling ang kampo ni Duterte ng pahintulot upang iapela ang desisyon ng Pre-Trial Chamber I na nagpapatibay sa mga sakdal laban sa kanya.
Sa isang dokumentong isinumite noong Abril 29, sinabi ng kanyang abogado na si Nicholas Kaufman na may dalawang isyung maaaring iapela.
Una, kinuwestiyon nito kung nagkamali ang hukuman sa paggamit ng “flexible approach” at sa malawak na depinisyon ng saklaw ng mga sakdal. Ikalawa, iginiit na nagkulang umano ang hukuman sa pagbibigay ng malinaw na ebidensya na batayan sa pagpapatibay ng mga kaso.
Nauna nang tinanggihan ng Pre-Trial Chamber I ang kahilingan ni Duterte para sa pansamantalang paglaya noong 2025 at iniutos ang patuloy niyang detensyon noong Enero 2026.
Noong Pebrero, isinagawa ang taunang pagrepaso sa kanyang detensyon kung saan nagsumite rin ng kani-kanilang obserbasyon ang mga partido.
Si Duterte ay inaresto sa Pilipinas noong Marso 11, 2025 at kasalukuyang nakakulong sa ICC Detention Centre sa Scheveningen, The Hague.










