Patay ang isang barangay kagawad sa barangay Bañaga sa bayan ng Bugallon matapos malunod sa ilog makaraang makiinuman sa isang birthday party ng kapwa niya barangay kagawad.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay PMaj. Noel Cabacungan, ang Officer in Charge ng Bugallon PNP, kinilala ang biktima na si Renato Torio, 59 anyos.
Base sa kanilang inisyal na imbestigasyon, lasing na umano ito kaya’t nagpasya itong umuwi bandang 8:30 ng gabi.
Kinaumagahan naman nang makita ang bangkay ng nasambit na kagawad sa ilog ni Benjamin Dela Cruz habang ito ay nangingisda.
Mayroong natagpuang sugat malapit sa pisngi ng biktima ngunit ayon sa kapulisan ay posibleng dahil ito sa mga batong malapit sa ilog na siyang maaaring binagsakan nito.
Dagdag pa ni Cabacungan, wala naman umanong nakikitang foul play sa katawan ng biktima ngunit nais pa ring isailalim ng hanay ng pulisya ang biktima sa autopsy examination upang maiwasan ang anumang espekulasyon.
Nilinaw naman nito na walang masiyadong tao sa naturang birthday party ng kagawad at malayo rin ang bahay ng pinangyarihan sa highway kaya’t hindi ito lumalabag sa quarantine protocols.
Nagbigay mensahe rin si Cabacungan na kahit wala na ang liquor ban ay hindi pa rin nararapat na uminom ng sobra at sa loob lamang dapat ng bahay ito isagawa dahil maaari itong maging sanhi ng aksidente.