DAGUPAN CITY- Natagpuan na lamang na wala nang buhay ang isang 80 anyos na lola sa tahanan nito sa Barangay Alacan, bayan ng Malasiqui matapos itong pagsasaksakin ng kaniyang sariling anak.

Ayon kay PCapt. Jeremias Ramos, Deputy Chief of Police ng Malasiqui PNP, kinilala ang biktima na si Soledad Mendoza, isang biyuda, habang ang suspek na anak nito ay si Teodoro Roland Mendoza, 39 anyos, walang asawa, at isang construction worker.

Aniya, bago ang insidente, mag-isa ang suspek na naninirahan sa nasabing lugar subalit, sa nakaraang linggo ay napansin ni Soledad na nasisiraan umano ito ng bait dahilan para samahan niya ito.

--Ads--

Makalipas ang dalawang linggo ay bumisita rin ang mga kapatid ng suspek ngunit, hindi sila pinagbubuksan ng pintuan.

Hindi nagpumilit ang mga ito at bumalik sa kanilang tahanan sa kalapit barangay upang tawagin pa ang iba pa nilang kapatid.

Bandang 1:00 PM ng hapon ay pinagsasaksak na ng suspek ang kaniyang ina at tinakasan ang pangyayari.

Nang makalayo-layo ito at nakarating sa isang bukirin, kaniya naman ginilitan ang sarili na nagsanhi ng kaniyang pagkasawi.

Sa kasalukuyan, parehong nakaburol ang mag-ina sa kanilang tahanan.