Picture Source: Google

Dala ng matinding kalungkutan sa kanyang kalagayan, winakasan ng isang lalaking preso ang sarili nitong buhay sa loob ng detention cell ng Asingan Police Station.

Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Police Major Leonard Zacarias, Officer in charge ng Asingan PNP sinabi nito na nadiskubre ng mga kapwa bilanggo ang wala ng buhay na katawan ng isa sa kanilang lalaking inmate na kinilala bilang si Noli Quirimit, 61 anyos.

Ayon sa opisyal, nagpakamatay ang nasabing preso sa loob mismo ng detention cell kung saan nagbigti ito sa kisame gamit ang sariling kumot.

--Ads--

Tumuntong umano ang biktima sa mismong inidoro ng seldang kanyang kinalalagyan at doon ay pilit na inabot ang window grill upang maitali ang kanyang kumot.

Nagawa pa umano itong isugod sa pinakamalapit na ospital ngunit ideneklarang dead on arrival.

Voice of Police Major Leonard Zacarias

Kumbinsido naman ang pulisya na walang foul play sa nangyaring insidente.

Napag-alaman na magmula nang madetine si Quirimit noong Marso 19 dahil sa kasong Acts of lasciviousness ay palagi na lamang itong malungkot at malayo ang tingin.

Bago din aniya mangyari ang insidente ay nagawa na nito ang tangkang pagpapakamatay sa pamamagitan ng pag inom ng pestecide.

Naniniwala naman ang mga otoridad na kalungkutan sa loob mismo ng selda ang nagtulak sa biktima upang kitilin ang kanyang sariling buhay.