Isang taong pagkakakulong at multang 5,000 pesos ang kakaharapin ng sinumang mahuhuling nagpapatakbo ng ilegal na pagawaan ng paputok alinsunod sa mga probisyong nakapaloob sa ordinansa ng Dagupan City.
Ayon kay Atty. Jose Netu “Joey” Tamayo, Chairman ng Committee on Laws, Ordinances and Judiciary ng Dagupan City, mahigpit umanong ipinagbabawal ang pagtatayo at pagpapatakbo ng pagawaan ng paputok sa lungsod, regulated man ito o unregulated.
Bagama’t pinapayagan pa rin ang pagbebenta ng mga regulated firecrackers, kinakailangan pa rin ng mga negosyanteng sumunod sa mga itinatakdang regulasyon ng Firearms and Explosive Office partikular ang kaukulang permit mula sa ahensya at pagbebenta sa mga open spaces na itatalaga ng pamahalaang panglungsod.
Kaugnay nito, kailangan ding sundin ang iba pang panuntunan ayon sa rekomendasyon ng PHilippine National Police (PNP), Bueau of Fire Protection (BFP), City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO), at Public Order and Safety Office kaugnay sa aprubasyon ng opisina ng alkalde sa lungsod.
Inaasahan ding magkakaroon nh police checkpoints sa ilang lugar mula Nobyembre hanggang Enero upang masubaybayan ang pagbebenta at paggawa ng mga paputok sa mga lugar sa lungsod.
Samantala, may nakalaan namang pabuyang nasa 10,000 pesos pataas para sa sinumang makapagtuturo sa mga ilegal na pagawaan o nagmamay-ari ng mga kagamitan sa paggawa ng paputok.
Iminungkahi naman ni Tamayo na tuluyan nang ipagbawal ang paggamit ng paputok, kahit pa regulated ito, upang mas matiyak ang kaligtasan ng publiko.










