Ikinababahala ng ilang magsasaka sa Nueva Ecija ang patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo at gastusin sa produksyon na umano’y nagdudulot ng pagkalugi at pagtalikod ng ilan sa pag-aani ng kanilang pananim.

Sa panayam kay Mark Paul Rubio, isang magsasaka mula sa Nueva Ecija, inihayag niya na may mga kapwa magsasaka na hindi na umano nag-aani ng kanilang pananim dahil sa mas mataas na gastos sa transportasyon at produksyon kumpara sa kita sa bukid.

Ayon kay Rubio, bagama’t may magandang ani sa sibuyas sa kanilang lugar, problema naman ang mababang farm gate price na lalo pang pinalala ng pagtaas ng presyo ng diesel at iba pang input sa sakahan.

--Ads--

Aniya, noong nakaraang mga buwan ay bumaba pa ang presyo ng sibuyas sa humigit-kumulang ₱43–₱45 kada kilo, bago bahagyang tumaas matapos ang anihan.

Naidagdag pa niya na may mga pagkakataon umanong hindi naibebenta ang mga produkto tulad ng kamatis at sibuyas at napipilitan na lamang itong ipamigay dahil sa sobrang baba ng bentahan.

Binanggit din ng magsasaka na isa sa mga nakikitang dahilan ng mababang presyo ng sibuyas ay ang patuloy na pagpasok ng imported na produkto sa merkado.

Aminado rin siya na isa sa mga pinakamabigat na gastos sa kanilang operasyon ay ang gasolina at diesel na ginagamit sa irigasyon at iba pang gawaing bukid.

Ibinahagi rin ni Rubio na ang presyo ng corn at iba pang agricultural input ay patuloy ding tumataas, na lalo umanong nagpapahirap sa desisyon kung magtatanim pa ba sila o hindi.

Giit ng magsasaka, wala pa umanong natatanggap na sapat na tulong mula sa Department of Agriculture at lokal na pamahalaan sa kanilang lugar.

Nanawagan siya na bigyang-pansin ang sektor ng agrikultura at magpatupad ng mas konkretong suporta tulad ng abot-kayang subsidyo sa pataba, gasolina, at iba pang input sa pagsasaka.