BOMBO DAGUPAN – Hustisya ang panawagan ng pamilya ng isang 44 anyos na guro sa sinapit ng kanilang kaanak matapos na paslangin sa bayan ng Urbiztondo sa lalawigan ng Pangasinan.

Ayon kay PCapt. Michael Murao, Deputy Chief of Police sa Urbiztondo PNP, sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, natagpuang walang buhay at nakahandusay sa kalsada ang biktima na duguan sa ulo.

Sa imbestigasyon ng kapulisan, napag alaman na ang biktima ay pinokpok ng kanyang karelasyon base sa naging salaysay ng testigo.

--Ads--

Nakunsensya umano ang testigo na isang menor at kasama ng suspek kaya siya na mismo ang nagreport sa kanilang himpilan.

Bago umano mangyari ang insidente, sabay silang pumunta sa isang party, at nang pauwi na ang witness at suspek ay sinundan sila ng biktima para kunin ang cellphone na ibinigay sa suspek, ngunit nagalit ang huli at pinukpok sa ulo ang biktima.

Sa ngayon ay naisampa na ang kaso laban sa suspek na ngayon ay patuloy na pinaghahanap ng mga otoridad.