Dagupan City – Hindi inaprubahan ng Malacañang ang kahilingan na gawing Special Non-working holiday ang Abril 22 sa buong Pangasinan para sa Centennial Canonical Coronation ng Our Lady of Manaoag.
Ayon kay 4th District Board Member Jerry Rosario, dalawang linggo na ang nakalipas nang makatanggap sila ng sulat mula sa Office of the President.
Binanggit sa sulat na dahil sa paghihiwalay ng simbahan at estado, hindi pinagbigyan ang kanilang kahilingan sa nasabing selebrasyon.
Gayunpaman, binigyang-diin niya na igagalang nila ang desisyon ng Malacañang na hindi na maideklara bilang opisyal na special non-working holiday ang Abril 22 sa probinsya.
Idinagdag niya na ang resolusyon ay unang inihain para humiling sa Gobernador na magdeklara ng holiday noong nakaraang taon ngunit sinabi ng mga awtoridad na dapat lamang itong gawin ng Malacañang – kaya naman ito ang kanilang ipinagpatuloy.
Layunin lamang ng kahilingan na gawing maginhawa ang paglahok ng mga deboto mula sa probinsya sa mga aktibidad ng sentenaryong selebrasyon.
Bukod dito, nagbahagi naman ito sa kanyang naging karanasan noong ikalimampung anibersaryo ng koronasyon noong 1976, nang siya ay sampung taong gulang pa lamang at aktibo bilang isang acolyte na tumutulong sa mga misa sa simbahan.
Dahil dito, Inaanyayahan niya ang lahat na dumalo sa selebrasyon kung saan maaaring makakuha ng mga update tungkol sa mga kaayusan sa trapiko at mga alituntunin sa social media account ng Minor Basilica of Manaoag at LGU Manaoag.
Samantala, ang mga aktibidad ay isasagawa simula Abril 22 – may misa at seremonya ng koronasyon sa alas-9 ng umaga, at isa pang misa hanggang alas-4 ng hapon na pamumunuan ni Archbishop Socrates Villegas at magkakaroon ng parada sa bagong korona nito na ipapaikot sa buong bayan.
Bukod pa rito, magkakaroon aniya ng light show at drone show na binubuo ng mahigit 200 drones na maituturing na unang pagkakataong mangyayari sa bayan ng Manaoag.









